LiDAR map: Detalyadong mapa vs. kalamidad

Screenshot of a LiDAR generated map, a product of the DREAM Program under Project NOAH.

Screenshot ng isang mapa gamit ang  teknolohiya ng LiDAR (Light Detection and Ranging),  produkto ng DREAM (Disaster Risk Exposure and Assessment for Mitigation), isa sa mga programa sa ialalim ng Project NOAH.

By Leo Humangit

Mapa – ang isa sa pinakamahalagang baitang para maging handa sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.

“Kapag nagpaplano ka, lahat ng plano mo ay nakabase sa magandang pundasyon. At ang magandang pundasyon na ‘yun ay tamang mapa,” ani Dr. Mahar Lagmay ng UP National Institute of Geological Sciences at director ng Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) ng DOST at co-anchor ng RED Alert program ng DZMM, na higit isang dekadang tumutok sa pagbuo ng detalyadong mapa ng bansa.

“Kapag mali ang mapa mo at nagdesisyon ka, mali ang desisyon mo. Pero kung maganda ‘yung mapa mo, maganda ang basehan ng desisyon mo, makikita na kapag dumating ang baha o kung anumang delubyo, nakaiwas ka.”

Isa sa pinakahuli at pinakamodernong pagtatangka ng pamahalaan na maiangat ang disaster preparedness ng bansa ang LiDAR mapping o Light Detection and Ranging Mapping technology.

Tumutukoy ang LIDAR mapping sa proseso ng pagma-mapa ng kalupaan gamit ang state-of-the-art technology na nagpo-prodyus ng high-resolution, three-dimensional (3D) na flood hazard maps.

Kumpara sa isang mapa na two-dimensional o flat, ang LIDAR map ay animo’y magiging “sculpture” na pagtingin sa kalupaan na eksaktong ilalarawan ang dibuho ng lugar tulad ng mismong posibleng galaw ng tubig, daluyan ng tubig, mga mababang parte ng bundok at iba pa.

Isinasagawa ito sa pamamagitan ng pagkarga ng LiDAR instruments sa isang eroplano. Nagbabato ng libo-libong laser ang LiDAR equipment para ma-rekord ang mismong itsura ng lugar sa isang iglap.

Sa LiDAR mapping, ginagamit ang datos ng PAGASA tulad ng rekord ng pag-ulan sa isang lugar at tumpak na nasi-“simulate” ang posibleng mangyari kasunod nito.

Kabilang sa mga posibleng matukoy ng LIDAR map ang:

– mismong pagdadaluyan ng ulan
– gaano kalaki ang idudulot nitong pagtaas at paglapad sa mga anyo ng tubig (tulad ng ilog)
– saan dadaloy ang tubig-baha kabilang ang mga bahay, kalye
– mga lugar na maaaring bahain at mapanganib panatilihan

Sa kakayahang idetalye ng LiDAR map ang isang baha, maituturing itong “enhancement” ng geo-hazard map ng bansa.

Layon ng LiDAR mapping sa bansa na makabuo ng komprehensibong integrated flood early warning system (IFEWS).

Sa ganitong paraan, magiging efficient ang pagkilos ng mga tanggapan ng pamahalaan at taumbayan para maiwasan ang pinsala ng kalamidad sa buhay at ari-arian.

Isa ito sa isinasapinal na pundasyon ng ilalatag na “flood advisory” ng DOST tuwing may malakas na pag-ulan na posibleng magdulot ng baha.

Mga kapakinabangan ng LiDAR map:

– produktibo ang kalalabasan ng mga urban planning ng pamahalaan o ninumang nais magtayo ng mga istruktura tulad ng dam, tulay at mga kalsada
– oras na magkasakuna, makatitiyak na ligtas ang itinalagang lugar na paglilikasan ng mga tao.
– matutukoy kung aling mga lugar ang delikadong pagtayuan ng ipupundar na bahay

Sa ngayon, may LiDAR-based flood models na sa Mandulog sa Iligan City, Pampanga, Davao Oriental, Marikina, Cagayan de Oro, at Compostela Valley.

Sa panayam ng DZMM kay Engr. Elpidio Paras ng CDO, naging maagap anya ang kanilang paghahanda sa mga nagdaang bagyo dahil sa early warning sa tulong ng datos ng mapping.

Tulad ng nangyari sa Bagyong Pablo noong 2012, “talagang naging totoo [ang nasa flood map],” kung saan walang namatay sa insidente sa kanilang lugar. Maaga aniyang naihanda ang lahat ng preparasyon at nakoordina ang lahat.

Natuto na rin anya ang mga taga-CDO noong taong 2011 nang tumama ang Bagyong Sendong.

Ang LIDAR mapping sa bansa ay pinangungunahan ng mga engineer mula UP Diliman at program component ng Project NOAH.

Target matapos ang kabuuan nito sa 2016.

Originally published in DZZM.ABS-CBNNEWS.COM on 2 February, 2014.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

+ sixty five = 72