MOSES tablet ng DOST, panangga ng LGU laban sa kalamidad (Balitang RapiDOST)

Sa panahon ngayon, kritikal ang papel na ginagampanan ng mga makabagong teknolohiya upang makapagsalba ng maraming buhay at ari-arian sa oras ng mga  kalamidad at sakuna.

Ito ay batid ng Department of Science and Technology (DOST) at upang mabigyanng angkop na kagamitan ang mga lokal na pamahalaan para sa mas epektibong paghahanda sa panahon ng mga kalamidad,
inilunsad ng DOST noong ika-23 ng Hulyo sa SMX Convention Center, SM Mall of Asia, bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng National Science and Technology Week, ang Mobile  System for Emergency Services o MOSES tablet.

Ang MOSES tablet ay may kakayahang makatanggap ng real-time na impormasyon at ulat panahon na nagmumulasa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) maging sa Nationwide Operational Assessment of Hazards o Program NOAH.

Ang nasabing tablet ay magsisilbing gabay ng mga lokal na pamahalaan upang mabigyan ng sapat na kaalaman hinggil sa kalagayan ng panahon at makapagbigay ng tamang datos para sa mas epektibong hakbang sa panahon ng mga kalamidad.

Bagama’t ang MOSES tablet ay isang uri ng tablet computer, ito ay hindi maaaring gamitin sa ibang pamamaraan gaya ng pagdownload ng iba’t ibang computer applications.

Ayon kay DOST Assistant Secretary Raymund E. Liboro, plano ng DOST na maipamahagi ang 150 na tablet sa iba’t ibang barangay sa Kalakhang Maynila para sa pilot testing.

Ang lokal na disenyo na 8-inch tablet ay nagtataglay rin ng mga chipset at circuit board upang masigurado ang pagkakaroon ng service support ng bawat unit nito. Bahagi rin ng tablet na ito ang dual SIM function,telebisyon, radyo at baterya na kung saan tumatagal ito hanggang tatlong araw.

Ang MOSES ay nagtataglay ng mga datos na nakukuha mula sa mga Doppler radar, water level sensor at mga rain gauge na nakakalat sa mga pinakakritikal na lugar at malapit sa mga tinukoy na 18 river basin ng bansa. Dagdag pa rito ang mga hazard map na nagpapakita ng mga pagbaha sa mga natukoy na lugar.

(Impormasyon mula kay Rodolfo De Guzman, S&T Media Service, STII).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

+ 41 = forty four