PROJECT NOAH: POWER OF INFORMATION (Remate)

Paul Edward Sison

Jun 9, 2013 8:38pm HKT

NASAKSIHAN ko lamang ‘yung sinasabi nilang “power of information” nang magka-habagat nitong Agosto 2012.

Nagamit namin ang isang internet application na gawa ng mga Filipino at pinamumunuan ng mga kapwa Filipino at kapwa Iskolar ng Bayan na sina Dr. Mahar Lagmay, Asec Raymond Liboro at DOST Sec. Mario Montejo.

Ito ang Project Noah o Nationwide Operational Assessment of Hazards ng Department of Science and Technology sa pakikipagtulungan ng Pagasa, Phivolcs, DOST-Advanced Science and Technology Institute, UP National Institute of Geological Sciences at ang UP College of Engineering.

Bago nito, madalas nating marinig o mabasa ang katagang “information is power.” Gamit na gamit at gasgas na gasgas na nga ito ng karamihan pero nanatili siyang isang kasabihan … hanggang sa mangyari na nga ang habagat.

Mapalad kami sa Marikina dahil sa amin pinasinayaan ang programang ito ng DOST noong Hulyo at mismong si Pangulong Noynoy Aquino pa ang guest of honor dito sa tabing ilog ng Brgy. Nangka.

Bilang hepe ng Public Information Office ng Marikina ay malaking tulong sa akin at sa aking opisina ang instrumentong ito. Kung dati ay tatawag pa kami sa Rescue 161 ni Ronald Mejia o sa Marikina Riverpark Authority ni Engr. Anaki Maderal para malaman ang taas ng water level ng Marikina River, ngayon, titingin na lang kami sa aming mga computer, tablet o smartphone.

Tandaan lamang ang URL o website na ito –http://noah.dost-.gov.ph/ ‘Yan ang “link to life and safety.” Dati, matindi ang ating pangamba dahil hindi natin alam ang sitwasyon at tinatalo na tayo ng ating mga fear of the unknown.

Ngayon, hindi na mangyayari ‘yan dahil mulat na tayo sa sitwasyon. Alam natin kung ano ang lakas ng buhos
ng kasalukuyang ulan at pati na ang paparating na ulan – hindi lamang sa Marikina River, kundi pati sa Montalban River, Mount Aries, Bosoboso at Mount Oro.

Pag malakas ang buhos ng ulan diyan, asahan mo na bababa ang tubig na ‘yan sa Marikina pagdaan ng dalawang oras at tataas naman ang tubig sa Marikina River.

Kung ikaw ay may computer, i-pad, android tablet, at smartphone – hindi mo na kailangang umasa sa anunsyo galing kung saan pa. I-bookmark agad ang http://noah-.dost.gov.ph o kaya i-download agad ang apps nila pang Android at iOS.

At least ngayon, ‘di na tayo mabubulaga ng baha sa Marikina, sa Cagayan de Oro, at sa iba pang lugar ng Pilipinas.

Salamat sa Project Noah. Salamat kay Dr. Mahar Lagmay!

This article was originally published in Remate on July 9, 2013 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

eleven + = 17